Sunday, July 14, 2019



OST TAYABAS HERITAGE GROUP
SYMPOSIUM, CLEAN UP OPERATION & OTHER ACTIVITIES

Nagkaroon muli ng pagbisita at pag – aaral sa mga tulay upang mas mapaganda at mas maging makabuluhan ang isasagawang proyekto. At bilang pagkilala sa mga tulay magkakaroon ang samahan ng mga sumusunod na aktibidad at kompetisyon.

March 4, 2017                 LAKBAY  ARAL
Kahit lurok ang ulan ito ay hindi naging hadlang upang matuloy ang Cultural Heritage and Information Campaign ng OPLAN SAGIP TULAY “Pagsilip sa Nakaraan: Isang Lakbay Aral sa mga Lumang Tulay ng Tayabas”. Sa kooperasyon ng LGU Tayabas, DRRMO, TAYABAS RESCUE, at TAYABAS TRAFFIC ENFORCERS naging posible at matagumpay ang unang bahagi ng aming proyekto kasama Student Artists ng Luis Palad National High School. Gayundin ang mainit na pagtanggap at partisipasyon ng mga sumusunod na barangay sa pangunguna ng mga kapitan ng BARANGAY IBAS, BARANGAY CAMAYSA, BARANGAY LAKAWAN, BARANGAY MATE, BARANGAY MALAO-A, BARANGAY KALUMPANG at BARANGAY DAPDAP na siyang nakakasakop sa mga lumang tulay.

April 1, 2017                   CLEAN-UP DRIVE ORIENTATION
Ganap na ika – 1 ng hapon sa Pangalawang Palapag ng Casa Communidad de Tayabas, inanyayahan ang ibat ibang Barangay at organization sa Tayabas para sa gaganaping pagpupulong patungkol sa nalalapit  na Clean – Up Drive sa mga tulay. Ang naturang pagpupulong ay dinaluhan ng myembro at opisyales ng QPHCI na siyang naging panauhing tagapagsalita sa pagpupulong kung saan tinalakay ang kahalagahan ng mga lumang tulay at kung paano ang tamang paraan ng paglilinis sa mga naturang tulay.

April 10, 2017            -       AWARENESS FOR HERITAGE  - SYMPOSIUM ON THE PROTECTION OF THE NATIONAL CULTURAL TREASURE by the National Commission
Sa pakikipagtulungan ng National Commission for Culture and the Arts, nagpadala sila ng mga Tagapagsalita patungkol sa pagtalakay ng pagpapakita ng malasakit sa Pamana; Si Mr. Ivan Anthony Henares (National Committee on Monuments and Sites Head), tinalakay ang “HERITAGE MANAGEMENT AND POLICIES”; Arch. Jeffrey Cobilla (Escula Taller Technical Team Head) naman ang tumalakay sa isyu ng “MAINTENANCE AND CLEANING PROCEDURES” at si Ms. TINA PATERNO (San Sebastian Basilica Conservation and Development Foundation, Inc. Execuutive Director) sa isyu ng “STONE CONSERVATION”. Ang mga naturang tagapagsalita ay mga kinatawan ng NCCA. Dinaluhan ito ng ibat ibang samahan/organization sa Tayabas at ilang kinatawan ng barangay. Natalakay din sa naturang pagpupulong ang isyu ng konstruksyon sa mga lumang tulay kung saan mariing tinututulan din ng mga ahensyang ito.

May 12 & 13,  2017    -     PHOTO & PAINTING CONTEST & SYMPOSIUM ON HERITAGE
Ang pangunahing adhikain ng Oplan Sagip Tulay (OST) ay ang maisalba ang labing-dalawang antigong tulay sa Lungsod ng Tayabas. Ang mga tulay na ito na yari sa adobe ay itinayo pa noong panahon ng mga Kastila at ang pinakapamoso nga rito ay ang Tulay ng Malagolong na matatagpuan sa Barangay Mateuna.
Nitong Mayo 12 ay nagkaroon ng patimpalak sa pagpipinta at pagkuha ng larawan ang OST na sinalihan naman ng mga kabataang Tayabasin. Libre ang mga materyales para sa pagpipinta mula sa Lokal na Pamahalaan. Ang Tulay ng Malagonlong ang nagsilbing venue at subject ng painting contest. Ang mga sumali naman sa photo contest ay lumibot sa iba’t-ibang lugar sa Lungsod ng Tayabas para kunan ng larawan ang iba’t-ibang landmark ng lungsod.
Upang mas lalong magising ang kamalayan ng mga mamayan ay naglunsad ng isang symposium ang OST na may pamagat na “Lihim ng mga Lumang Tulay ng Tayabas”. Dinaluhan ito maging ng mga mamayan mula sa karatig bayan. Bilang pagsisimula ng programa, pagbating mensahe ang ipinarating nina Ginoong Gil Contreras, Quezon Heritage Council President at Konsehala Wenda Saberola de Torres para sa mga dumalo sa symposium.
Ang unang panauhin para sa symposium ay si G. Manolo Noche, University of Santo Tomas Assistant Professor. Nagbigay siya ng isang lecture na may titulong “Mga Kolonyal na Tulay sa Pilipinas at ang Halaga ng mga ito sa Kasaysayan ng Pilipinas”. Ipinakita niya ang mga larawan ng mga lumang tulay sa Pilipinas at nagbigay din siya ng ilang impormasyon tungkol sa mga ito.
Kasunod naman si Asian Social Institute Professor Rolando V. Redor Jr. na tinalakay ang titulong “Mga Kubling Sagisag sa mga Lumang Tulay ng Tayabas” kung saan inilahad niya ang bagong teorya tungkol sa mga nakaukit na simbolo na matatagpuan sa mga lumang tulay. Ayon sa kanya ang bagong teorya na ito ay mga simbolo na isang uri ng dasal.
Pinarangalan din sa symposium ang mga nagwagi sa painting and photo contest. Para sa painting contest nagwagi sina Luis Miguel Changco (1st), Mikee Quinsanos (2nd) at Chanler Ebisa (3rd). Ang nanalo naman sa photo contest ay sina Darren Magsipoc (1st), Paulo Angelo Pastoral (2nd) at Ruel Caseres (3rd).
Dumalo sa symposium sina Mayora Ernida A. Reynoso, Konsehala Lovely A. Reynoso at Konsehala Precy Glorioso.  Ang mga aktibidad na ito ng OST ay kabilang sa pagdiriwang ng Tayabas Heritage Month Celebration na ginanap sa lungsod.
May 27, 2017         -        CLEAN-UP  OPERATION
Ito ay dinaluhan ng ibat – ibang organisasyon sa Tayabas bilang boluntaryong maglilinis ng mga tulay upang maibalik ang ganda ng mga ito. At para narin mabawasan ang damo at mga halaman na nakapaligid sa mga ito. Ginanap sa mga tulay ng Mate, Lakawan at Malagonlong na dinaluhan ng humigit kumulang apat na daang (400) katao mula sa ibat ibang samahan organisasyon at mga barangay na nakakasakop sa mga naturang tulay.

July 15 & 16, 2017     YOUTH FORUM ON HERITAGE in cooperation with the NATIONAL COMMISSION FOR CULTURE AND THE ARTS & FILIPINO HERITAGE FESTIVAL INC.
Youth Forum on Heritage, dinaluhan ng taga-karatig bayan, sa pagtutulungan ng Pamahalaang Lokal ng Tayabas, National Commission for the Culture and the Arts (NCCA), Filipino Heritage Festival Inc. (FHFI), at Oplan Sagip Tulay (OST) ay isang two-day symposium ang ginawa sa Casa Comunidad de Tayabas.

Tinatayang aabot sa humigit-kumulang na siyamnapung mga kabataan mula sa Lungsod ng Tayabas at sa mga kalapit bayan nito ang dumalo sa symposium na pinamagatang Youth Forum on Heritage. Pormal na sinimulan ang symposium sa pamumuno ni Crisanto B. Jamero, Project Coordinator, FHFI kung saan isa-isang nagpakilala ang mga dumalo at nagbigay ng kanilang mga ekspektasyon para sa forum.

Ang unang naging tagapagsalita ay si G. Delan L. Robillos, Head, National Committee on Arts Galleries at Vice Head, Subcommission on Cultural Heritage. Tinalakay niya ang mga kulturang pamana nating mga Pilipino. Ipinaliwanag din niya na ang mga pamana sa atin ay hindi lamang ang mga sinaunang mga material na bagay at mga istraktura kundi maging ang ating mga gawi at tradisyon gayundin ang mga katutubong mga sayaw at awit.
Ang ikalawang tagapagsalita ay si Attorney Lucille Karen M. Isberto, Vice-President for Institutional Heritage and Sites at tinalakay niya ang Heritage Law. Ipinayo niya na tayo ay maging mapanaliksik upang maprotektahan natin ang mga pamana sa atin. Idiniin niya na dapat ay alam natin ang mga batas upang maipagtanggol ang mga pamana ng ating lahi.
Ang huling naging tagapagsalita ay si G. Ryan Palad, Local Historian ng Lungsod at tinalakay naman niya ang mga isyu na may kinalaman tungkol sa lokal na kulturang pamana sa Lungsod ng Tayabas.

Isinalaysay niya ang mga kasaysayan ng mga natitira pang mga makasaysayang istruktura sa lungsod. May pangihihinayang din niyang tinalakay ang mga nawala at nasira ng mga maksaysayang istruktura tulad ng mga sinaunang kanal na gawa pa sa adobe na sa ngayon nga ay tuluyan ng nawala sa lungsod.
Nagkaroon din ng open-forum pakatapos makapag-salita ng mga panauhin at aktibo namang nakibahagi ang mga kabataan sa nasabing open-forum. Matapos ito ay isang workshop naman ang ipinagawa sa mga partisipante at dito nga nagtapos ang unang araw ng forum. Ang sumunod na araw ay inilaan para sa Heritage Tour. Bagama’t naging maulan ang araw na iyon ay nagkaroon pa rin ng pagkakataon na madalaw ng mga partisipente ang ilan sa mga makasaysayang lugar sa Lungsod ng Tayabas. Ang unang pinuntahan ay ang Puente de Gibanga. Ito ay isa sa labingdalawang (12) Spanish Colonial Stone Arched Bridges na matatagpuan sa Lungsod ng Tayabas. Ang natatanging katangian ng tulay na ito ay ito lang ang tulay na gawa sa pinaghalong tisa at adobe. (Ang labing-isa pang tulay ay gawa mula sa adobe lamang)
Nakakalungkot isipin na baka ito na ang isa sa mga huling pagkakataon na makikita ang natatanging disenyo nito na gawa sa tisa sa kadahilanang ang kabilang bahagi ng tulay ay tuluyan ng nabuhusan ng semento at hindi malayong sa mga darating na panahon ay matabunan na ng semento ang kabuuan nito at tuluyan ng matakpan ang antigong disenyo ng tulay. Ang ikalawang pinuntahan ay ang Puente de Francisco de Asis. Sinasabing sa lahat ng labingdalawang tulay ay ito ang may pinakamataas na arko. Ang ikatlong napuntahan naman ay ang Roman Catholic Cemetery sa Tayabas na ginawa nong 1887 kung saan matatagpuan ang Camposanto de los Indios. Pumasyal din ang grupo sa harapan ng Basilika Menor ni San Miguel de Arkanghel at patuloy na nagkwento si G. Palad sa kasaysayan ng hugis susi na simbahang ito na may pinakamahabang aisle sa buong Pilipinas sa sukat na isangdaan at tatlong metro (103 meters). Tunay na nagalak si Crisanto B. Jamero ng FHFI dahil ayon sa kanya ay sa lahat ng symposium na napuntahan niya sa buong bansa ay dito sa Lungsod ng Tayabas ang may pinakamaraming lumahok na kabataan. Bukod pa dito, dahil na rin sa kadahilanang ang symposium ay ginanap sa isa mismong makasaysayang lugar na Casa Comunidad de Tayabas. Inaasahan na mauulit muli ang ganitong pangyayari sa lalong madaling hinaharap.

August, 2017        -          ADVENTURE TO DAGATAN    
Isang paglalakbay papunta sa Lawa ng Dagatan ang inorganisa namin sa Oplan Sagip Tulay noong nakaraang Agosto 20, 2017  na kinabibilangan ng ilang kawani ng Pamahalaang Panlungsod ng Tayabas at ilang volunteer na nais matunghayan ang taglay nitong kagandahan na sa social media lang natin madalas makita. Ang Lawa ng Dagatan ay matatagpuan sa Barangay Ibabang Palale, Lungsod ng Tayabas. Kung lalakarin ng balikan ito ay tinatayang aabot sa humigit-kumulang labing-limang kilometro at maaring tumagal ng anim hanggang sampung oras na paglalakad.  Hindi biro ang lakarin para makarating sa Dagatan. May ilog at mga sapa na kailangang daanan gayundin ang mga taas at babang mga burol at ang maputik na lupa sa panahon na medyo o katatapos lang ng ulan. Maraming magagandang tanawin ang makikita sa daraanan kung saan ay may mga nakatalaga ring lugar na maaaring pagpapahingahan ng mga manlalakbay. Ang isa pang atraksyon bago sumapit sa Dagatan ay ang isang malaki at matandang puno na may napakalaking butas sa katawan nito ngunit nananatili pa ring buhay hanggang sa kasalukuyan. Bagaman at may kahirapan ang paglalakbay papuntang Lawa ng Dagatan ay sobrang sulit naman ang lahat ng pagod sa oras na kaharap mo na ang mahiwagang Lawa ng Dagatan. Ayon sa mga taga-roon ay kailangang mag-paalam sa mga “naninirahan” sa lawa sa tuwing bibisita dito. Ayon sa mga taga rito, sa kasalukuyan ay dinarayo na rin ito ng mangilan-ngilang mga banyagang turista at gayundin ng ilang mga mag-aaral para sa kanilang mga research at proyekto. Kung magagawan lamang ng kalsada o pathway ay malaking tulong na upang mas lalong maakit ang mga turista na dayuhin ang Lawa ng Dagatan.

Iminumungkahi lamang na iwasan ang mag-ingay ng husto at panatilihing malinis ang paligid at wag mag-iiwan ng kalat kapag bumisita sa lawa.
Tulad nga sabi sa isang kasabihan:
“Take nothing but pictures,
Kill nothing but time,
Leave nothing but footprints.”

Nagpapasalamat nga po pala kami kay Kapitan Emilio Naynes ng Ibabang Palale gayundin sa mga Barangay Tanod na sina Helacio Jasolin Jr at Pedrito Caagbay na nagsilbing mga guide sa pagpunta sa Dagatan Lake.

September 23, 2017
September 27, 2017
October 7, 2017    -        BRIDGE AND RIVER CLEAN-UP OPERATION AT PUENTE DE ISABEL II,  PUENTE DE FRANCISCO DE ASIS; AND TWO (2) MORE PUENTECITO SITUATED IN BRGY. BAGUIO  

Kasabay ng selebrasyon ng International Coastal Clean-up at Festejo delos Angeles isang paglilinis sa mga ilog at mga lumang tulay  ng syudad ang isinagawa sa pakikipagtulungan ng LGU Tayabas, OST Tayabas, GSO/ESWM Unit .Umabot sa mahigit na tatlong daang (300) katao  ang nakiisa sa Clean-Up Drive na ito. Dinaluhan din ito nina Konsehal Albert I. Dimaranan at Konsehala Precy O. Glorioso na nag-iwan din ng isang mensahe para sa taong dumalo sa pagtitipong ito. Maging si G. Romeo Cariaga – OIC –Eco Park ay nagbigay ng pananalita para sa okasyong ito.

Di naging hadlang ang lakas at buhos ng ulan upang malinis ang dalawang “Puentecito” o maliliit na mga tulay na matatagpuan sa Barangay Baguio. Nagsagawa din ng paglilinis sa Puente de Isabel II at sa Ilog Iyam na matatagpuan sa Barangay Malao-a. Kasunod nito ay naglinis din sa Puente de Don Francisco De Asis na matatagpuan naman sa Barangay Calumpang. Nitong Setyembre 30 at Oktubre 7 ay muling bumalik ang grupo kasama ang GSO –ESWM Unit, DRRM Office at Tayabas Rescue Response Team sa Puente De Francisco de Asis upang ipagpatuloy ang paglilinis sa nasabing tulay. May mga rapelling din upang mas lalo pang pag-ibayuhin ang isinasagawang paglilinis at inaasahang babalik muli ang mga grupong hanggang tuluyang malinis ang bahagi ng lumang tulay.            

 October 21, 2017  -        OPLAN LINIS TULAY in cooperation with the Humanities and Social Sciences of Tayabas City Division Stand Alone Senior High School Teachers, Students and Barangay Officials
                                       
                                       Isa muling paglilinis sa mga  tulay ng Malagonlong ang isinagawa na may temang “Pangalagaan, Panatilihin, Pagyamanin ang Tulay ng Tayabasin sa pakikipagtulungan ng mga studyante ng Humanities and Social Sciences of  Tayabas City Division Stand Alone Senior High School Teachers at ng Barangay Officials at Tanod  ng Lakawan at Mateuna. Nagsimula ang paglilinis ganap na ika-7 ng umaga na dinaluhan ng mahigit  150 katao mapa studyante, lider ng kabataan at mga opisyales ng barangay mula sa dalawang barangay na nakakasakop sa mga tulay. Matapos ang isinagawang paglilinis, nagsagawa ng kaunting pananalita at pagtalakay sa mga kwento sa likod ng mga lumang tulay na pinangunahan ni G. John Valdeavilla, isang Lokal na historian at myembro ng grupo. Natapos ang pagtalakay sa ganap na 11:00 ng umaga.
                             
November 30 , 2017
December 1 & 2, 2017   CULTURAL HERITAGE PROMOTION
                                       THRU VLOGGING SEMINAR WORKSHOP
                                   Kaalinsabay ng pagdiriwang ng OST-Tayabas Heritage Group sa unang taon ng pagkakatatag nito, isang workshop ang isinagawa sa unang araw sa Casa Comunidad de Tayabas na dinaluhan ng mahigit 200 mag-aaral mula sa ibat-ibang paaralang pansekundarya ng lungsod ng Tayabas na may hilig sa pagkuha ng litrato at bidyo upang magamit ang ganitong kakayahan upang mas higit na maipakilala  at maipakalat kung anu-ano ang mga Pamanang mayroon ang lugar na ito. Ito ay pinangunahan ng mga Youtube Vlogger’s mula Maynila na nagbahagi ng kani kanilang ideya at kasanayan upang higit na mapalawig ang kaalaman ng mga kabataang dumalo at maging kabahagi sa pagpapakilala ng mga pamana ng lahi na mayroon ang Tayabas. Sa ikalawang araw at pangatlo ay nagpun ta ang mga panuhin kasama ang mga napiling mga mag-aaral upang personal na tunguhin ang mga nasabing Pamana ng Lahi kabilang ang Simbahan ng Basilika Minor de San Miguel Arkanghel at ilan sa mga lumang tulay at ngtungo rin sa mga kilalang establishment upang isama sa ginagawang video blog.
                                      
Matapos ang naturang mga aktibidad, ilan sa mga dumalong mga studyante mula sa ibat-ibang skwelahan sa lokalidad ay nagpakita ng suporta at lumapit upang maging kabahagi na sa lahat ng pagawain at adbokasiya ng grupo sa pamamagitan ng pagsapi mismo sa grupo. Naganap ang sunod-sunod na pagpupulong upang isaayos ang pagiging myembro ng mga naturang kabataan. Disyembre 23, 2017 ng naganap ang unang Team Building activity na ginanap sa GraceLand Estate and Country Club na dinaluhan ng mga bagong myembro ng grupo kung saan nagsagawa ng mga aktibidad na mas lalong magpapaigting ng pagkakaisa ng bawat isa as a group higit sa lahat ay teamwork upang maging tagumpay ang mga susunod na programa at gawaing isasagawa ng grupo ngayon taong 2018. Sa mga pagpupulong ay nabuo ang ideyang  magsagawa ng Cultural and Traditional Folk Dance Competition na gagawin sa darating na Mayo 7, 2018 kaalinsabay ng pagdiriwang ng taunang Mayohan Festival ng Lungsod ng Tayabas na lalahukan ng mga paaralan at studyante na hinati sa dalawang kategorya; ang Elementary School Category at Secondary School Category.

Ilan lamang ang mga ito sa mga hakbang upang higit na mabigyang pansin at halaga ang labindalawang tulay ng Tayabas o mas kilala sa 12 Spanish Colonial Bridges of Tayabas. Sa pakikipagtulungan ng Pamahalahaang Lokal ng Lungsod ng Tayabas sa pangunguna ni Mayora Ernida Agpi Reynoso at Vice – Mayor Nick Abesamis at ng Sangguniang Panlungsod ay patuloy ang grupong ito sa pagsulong upang pangalagaan ang mga yaman ng Tayabas at upang maipakita sa kasalukuyang henerasyon ang kontribusyon nito sa Lungsod ng Tayabas na minsang naging piping saksi sa kasaysayan ng Lungsod. Isa ito sa mga layunin na ipinaglalaban at isinusulong para sa tunay at ganap na pagkilala at pagbibigay importansya sa mga natatanging kayamanan ng Lungsod.

OST TAYABAS HERITAGE GROUP
2018 Accomplishment Reports
Symposium, Clean Up Operation & Other Activities

March 3, 2018                   1ST QUARTER CLEAN-UP  DRIVE OPERATION @
PUENTE DE MALAGONLONG
Isang paglilinis sa tulay ng Malagonlong ang isinagawa noong ika - 3 ng Marso taong kasalukuyan sa pakikipagtulungan ng ibat-ibang organisasyon. Ganap na ika-7 ng umaga sinimulan ang paglilinis na dinaluhan ng mahigit 200 katao kabilang ang grupo ng Cultural Heritage Preservation Office, OST- Tayabas Heritage Group, Tourism Office, IT Secion, Tayabas Rescue Response Team, KALIPI, Eco-Aide at ilang residente ng Barangay Mateuna at Brgy. Lakawan. Ang mga grupong ito ay boluntaryong nakiisa sa adhikaing maibalik ang ganda at kalinisan ng mga makasaysayang tulay sa lungsod ng Tayabas.

Sa pagsisimula ng aktibidad nagkaroon ang ibat- ibang grupo ng kanya-kanyang gawain na nagpaabala sa lahat, una ay ang pagtatabas ng mga damo sa ibabaw at paligid ng tulay na ginamitan ng grass cutter, mayrong nagwalis at nagpulot ng basura, mayroon ding nag-isis ng dungawan ng tulay at nagbunot ng mga damo na tumutubo dito, ang iba naman ay nagputol ng ugat na kumakapit sa tabi at ilalim ng tulay, ang pagputol na ito ay ginamitan rappelling sa pangunguna ng Tayabas Rescue Response Team.            
Natap os ang naturang aktibidad sa ganap na ika-sampu (10:00 am) ng umaga. At ang kaaliwalasan ng tulay ng Malagonlong ay muli na namang nasilayan at napanatili.

Oktubre 27, 2018                  PUENTE DE ESE AND PUENTE DE BAI CLEAN-UP
Isa nanamang paglilinis ng tulay ang isinagawa noong ika-27 ng Oktubre taong kasalukuyan sa pakikipagtulungan ng Cultural Heritage Preservation Office (CHPO), Oplan Sagip Tulay (OST), City Museum Office, Tanggol Kalikasan (TK), at ng Tayabas Rescue Response Team

Bandang a las 7 ng umaga sinimulan ang paglilinis ng mga nasabing tulay. Hinati sa dalawa ang mga nag boluntaryong dumalo upang mas mapabilis ang trabaho ng bawat isa. Sa unang panig ay pinamunuan ni Ginoong Michael Vincent Pabulayan at sa kabila naman ay pinamunuan ni Ginoong Ian Avegail Buduan.
Sa kampo ng Barangay Camaysa sumama ang ating mabuting mga miyembro ng Tayabas Rescue Response Team sa kadahilanang mas mataas ang Puente de la Ese at mas kinakailangan malinis ang haligi ng arko ng tulay sa pamamagitang ng Rappelling. Sa kampo ng Barangay Dapdap naman sumama ang ilang miyembro ng OST at ng Tanggol Kalikasan (TK) upang mag tabas ng damo sa ibabaw at ilalim ng tulay tulay nag ginagamitan ng grass cutter, mayroon ding nagwalis at nagpulot ng basura.
Ganap na a las 12 ng tanghali ay nagtapos ang paglilinis ng tulay at sinundan naman agad ito ng socialization ng mga nagsidalo. Sa pagtutulong-tulong ng iba’t-ibang organisasyon ay naisakatuparan ang adhikain ng bawat isa na malinis at mapreserba ang ating mga yamang pamanang tulay.

November 24, 2018              PUENTE DE ALITAO INTER-ORGANIZATIONAL ASSEMBLY & CLEAN UP DRIVE OPERATION
Noong nakaraang 24 ng Nobyembre taong kasalukuyan ay nagsagawa nanaman ng paglilinis ng ating mga yamang pamanang tulay, at isa nga dito ay ang Puente de Alitao ng Barangay San Isidro zone III ng Lungsod ng Tayabas.

Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga organisasyong kasapi tulad ng; Cultural Heritage Preservation Office, City Museum, Oplan Sagip Tulay (OST), Tayabas Rescue Response Team, GSO-Eco Solid Waste Management Office, Sanguniang Barangay ng San Roque at San Isidro, Tapat Kalikasan, RGen Quezon Riders, LPHIS, CENRO, DRRM, Tayabas Baker Association, at Tau Gamma Phi ay naisakatuparan ang adhikaing malinis at maalagaan ang ating mga natatanging tulay ng Tayabas.

Bandang A las 7 ng Umaga sinimulan na ang paglilinis ng tulay iba’t ibang organisasyon iba’t iba din ang trabaho. Tulad ng OST member sa pag pupulot ng basura na nakakalat sa may mga kabahayan, ang Eco-Aide na siyang namamahala sa mga basura at ang pag hihiwalay nito sa nabubulok at sa hindi nabubulok, ang Tayabas Rescue na silang naglinis ng haligi ng tulay sa pamamagitan ng Rappeling, at ang iba naman ay nag tabas ng damo at nag balaas ng lumot sa arko ng mismong tulay.

Halos may isangdaan katao ang nagsidalo o mahigit pa, nang dahil sa pagtutulungan ng lahat ng ito hindi naging ganon kahirap ang trabaho dahil makikita mo na masaya ang lahat sa kanilang ginagawa at alam ng bawat isa ang kadahilanan kung bakit sila naroroon. Hindi matawaran ang kagandahan ng Puente de Alitao ng ito’y nalinis at ang ngiti ng bawat isa ng ito’y makita.

No comments:

Post a Comment