Wednesday, September 5, 2018


























Oplan Linis Tulay isinagawa
ng mga kabataang mag-aaral

            Nitong nakaraang Oktubre 21, 2017 ay isang Oplan Linis Tulay na may temang “Pangalagaan, Panatilihin, Pagyamanin ang Tulay ng Tayabasin” ang isinagawa ng mga mag-aaral ng Department of Education Tayabas City Division Stand Alone Senior High School sa Puente de Malagonlong. Malugod itong sinuportahan ng Lokal na Pamahalaan ng Lungsod ng Tayabas, Oplan Sagip Tulay, Barangay Mateuna at Barangay Lakawan.

            Naglinis sa Tulay ng Malagonlong ang mga mag-aaral kasama ang mga residente ng Barangay Mateuna at Barangay Lakawan. Nagtabas sila ng mga damo at namulot ng mga basura na nakakalat sa paligid.

            Matapos ang paglilinis ay isang talakayan ang pinamunuan ni Ginoong John Ysrael D. Valdeavilla na may temang “Narito Ngayon, Narito Pa Kaya Bukas?” kung saan tinalakay niya ang kahalagahan ng mga Pamana ng Lahi sa ating siyudad.

            Tinalakay dito ang kahalagahan ng pag-iingat at pagpapahalaga sa mga Pamana ng Lahi sapagkat pag ito ay napabayaan ito ay maaaring tuluyan ng masira at mawala sa atin. Kabilang sa mga Pamana ng Lahi ay ang ating Basilika at mga Lumang Tulay.

            Isinalaysay din ni Valdeavilla ang kasaysayan ng Tulay ng Malagonlong na ayon sa kanya ay kung mapapansin ay kakaiba ang pangalan nito kumpara sa iba pang mga lumang tulay. Kung ang ibang mga lumang tulay ay ipinangalan sa mga tao o mga ilog kapansin-pansin na ang Tulay ng Malagonlong lang ang hindi ipinangalan sa tao o ilog.

            Ito raw ay hango sa salitang “mala-gulong” o parang gulong dahil matapos daw itayo ang tulay ay napansin na ang tubig sa ilalim nito ay umiikot na parang gulong.

            Nakakatuwang isipin na may mga kabataan na may malasakit at inisyatibo na tumulong sa paglilinis at pangangalaga ng mga Pamana ng Lahi na mayroon tayo. Nawa ay mas dumami pa ang mga kabataan na maging aktibo sa pagsusulong ng pangangalaga sa mga Pamana ng Lahi.

            Ang proyektong ito ay naging posible sa pamamagitan ng HUMMS Society at Presidente nitong sil Leah C. Labordo, mga guro na sina Ma. Aileen A. Averilla, Master Teacher, Social Science; Edmar G. Rada, Teacher II, DISS; Kathrin P. Fidelino, Teacher II, Community Engagement, Solidarity and Citizenship at Jezreel Iyyar D. Valdeavilla, Teacher I.

            Pasasalamat sa suporta nina Kapitan Arthur C. Obciana ng Barangay Mateuna, Kapitana Zenaida N. Lubiano ng Barangay Lakawan at ng Oplan Sagip Tulay.

No comments:

Post a Comment