Wednesday, September 5, 2018
















Ang Lawa ng Dagatan


            Isang paglalakbay papunta sa Lawa ng Dagatan ang inorganisa ng Oplan Sagip Tulay nitong Agosto 20 at ito ay dinaluhan ng ilang mga empleyado ng lokal na pamahalaan gayundin ng ilang mga volunteers.

            Ang Lawa ng Dagatan ay matatagpuan sa pusod ng kagubatan ng Barangay Ibabang Palale, Lungsod ng Tayabas. Kung lalakarin ng balikan mula sa boundary ng Barangay Liwayway sa bayan ng Mauban ito ay tinatayang aabot sa humigit-kumulang labing-limang kilometro at maaring tumagal ng anim hanggang sampung oras na paglalakad.

            Hindi biro ang lakarin para makarating sa Dagatan. May ilog at mga sapa na kailangang daanan gayundin ang mga taas at babang mga burol at ang maputik na lupa sa panahon na medyo o katatapos lang ng ulan.

            Maraming magagandang tanawin ang makikita sa daraanan kung saan ay may mga nakatalaga ring lugar na maaaring pagpapahingahan ng mga manlalakbay. Ang isa pang atraksyon bago sumapit sa Dagatan ay ang isang malaki at matandang puno na may napakalaking butas sa katawan nito ngunit nananatili pa ring buhay hanggang sa kasalukuyan.

Bagaman at may kahirapan ang paglalakbay papuntang Lawa ng Dagatan ay sobrang sulit naman ang lahat ng pagod sa oras na kaharap mo na ang mahiwagang Lawa ng Dagatan. Ayon sa mga taga-roon ay kailangang mag-paalam sa mga “naninirahan” sa lawa sa tuwing bibisita dito.

Lubhang nakakamanghang isipin kung paano nga ba nagkaroon ng lawa sa mataas na bahagi na ito ng kabundukan at hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring makapagsabi kung saan nga ba nagmumula ang tubig sa Lawa ng Dagatan. Nananatiling misteryo ang hiwaga ng pinagmumulan ng Dagatan Lake.

Sa kasalukuyan ay dinarayo na rin ito ng mangilan-ngilang mga banyagang turista at gayundin ng ilang mga mag-aaral para sa kanilang mga research at proyekto.

Kung magagawan lamang ng kalsada o pathway ay malaking tulong na upang mas lalong maakit ang mga turista na dayuhin ang Lawa ng Dagatan.

Iminumungkahi lamang na iwasan ang mag-ingay ng husto at panatilihing malinis ang paligid at wag mag-iiwan ng kalat kapag bumisita sa lawa. Tulad nga sabi sa isang kasabihan:

“Take nothing but pictures,
Leave nothing but footprints,
Kill nothing but time.”

Nagpapasalamat nga pala ang OST kay Kapitan Emilio Naynes ng Barangay Ibabang Palale gayundin sa mga Barangay Tanod na sina Gelacio Jasolin Jr., Pedrito Caagbay at Gregorio Datos na nagsilbing mga guide sa pagpunta sa Dagatan Lake.

No comments:

Post a Comment