Thursday, October 14, 2021

How Vlogging Promotes a Destination – Tourism Month Celebration 2021

 How Vlogging Promotes a Destination – Tourism Month Celebration 2021

Inimbitahan ang grupo sa isang seminar ng Tayabas City Tourism Office.




Ang dalawang araw na seminar ay bahagi ng Tourism Month celebration 2021 na may temang “How Vlogging Promotes a Destination”. Sa aktibidad na ito ay inimbitahan ang ibat-ibang grupo sa bayan ng Tayabas, mga vlogger, photographer, heritages advocate at researchers. Ito ay naglalayong maipalaganap ang kagandahan at yabong ng turismo sa Tayabas.

Seminar day 1: Ganap na ika-9 ng umaga noong Septembre 15,2021 ginanap ang nasabing seminar sa Nawawalang Paraiso Resort and Hotel. Matapos opisyal na buksan ang aktibidad at ipakilala ang tagapagsalita na si G. Daryl D. Orillo (bakasyun ni Juan Vlog), Ibinahagi ni G. Orillo ang kanyang mga karanasan sa pagbavlog at kung paano bumuo ng mga video na papatok sa manunuod. Sunod ay inatasan niya ang bawat grupo na nakarating sa seminar na gumawa ng kani-kanilang introduction na iprepresent sa hapag ng seminar. Matapos nito, nagpatuloy na muli ang tagapagsalita sa kanyang presentasyon ukol sa tema ng seminar. Ilang nabanggit sa talakayan ay mga importansya ng inspirasyon sa pagbubuo ng content, kailangang tandaan sa pagbubuo ng video, ano ang mga paraan upang magkainteres ang mga tao upang panuorin ang mga nagawang video, at iba pang mga datos na kinakailangan upang mapaganda ang isang vlog.

Bago magtanghalian ay inanunsyo ng G. Orillo na magkakaroon ng workshop sa pagbubuo ng vlog at pinabunot ang bawat grupo ng kanilang vlogging site na napapalooban ng bayan ng Tayabas. Matapos ang tanghalian ay nagkaroon ng madaliang diskasyon at nagtungo na ang mga kalahok sa ibang-ibang lugar na nakalaan sa kanila. Pagbabalik ng mga kalahok sa venue ng seminar ay nagbahagi ang ilan ng kanilang karanasan sa pagpaplano at pagvivideo ng gagawing vlogging video. Ang seminar ay pansamantalang natapos ng hapong iyon na may anunsyo na ang day 2 ng seminar ay magiging araw ng pagbubuo/ pageedit ng mga videos. Ang mga video na ito ay may kaukulang premyo na manggagaling sa tagapagsalita.

Seminar day 2: September 16, 2021 matapos muling buksan ng Tourism Administrative Section ang pangalawang araw ng seminar, ang mga grupo ay sinimulang magedit ng mga videos sa gabay ng tagapagsalita. Ang mga videos ay iprenisinta ng mga grupo at ang pagpapanuod nito ay isinabay sa tanghalian. Tatlong grupo ang nanalo sa aktibidad na iyon. Matapos nito ay ang pagbabahagi ng mga sertipiko sa tagapagsalita at mga lumahok. Ang aktibidad ng Tourism Month celebration ay hindi doon natatapos sa seminar. Ang mga grupo na lumahok sa seminar ay siya ding mga kalahook sa “Virtual Tour Guiding Contest” ng nasabing opisina, ang contest na ito ay ginawa upang ipakita ang kagandahan ng Tayabas at maitaguyod ang turismo sa pamamagitan ng social media. Ang mga video na nabubuo ng bawat grupo ay iniupload sa facebook page ng Tourism office ng Tayabas noong September 24,2021.

Ang grupo ng OST-THGI ay nakilahok sa ginawang “Virtual Tour Guiding Contest” at pinagatan ang nabuong video ng Laboy sa Tayabas, nangangahulugang pagpasyal o paguuli sa Tayabas. Ang vlog na nabuo ay iniupload rin sa youtube channel bilang vlog #1 at facebook page ng OST Tayabas para sa mga nagnanais pa na ito ay mapanood.


Saturday, September 25, 2021

Krus na Bato Visitation and Clean Up

 Krus na Bato Visitation and Clean Up 

September 25, 2021

Barangay Kanluran Katigan, Tayabas City


Nagtungo ang aming grupo sa Kanluran Katigan upang magsagawa ng clean up at pagbisita sa krus na Bato ng Tayabas. Ganap na Ika-8:30 ng umaga na ng makaalis ang grupo sa kitaan sa munisipyo at agad tinungo ang terminal ng tricycle upang sumakay papuntang Silangan Katigan na siyang dadaanan upang marating ang aming destinasyon sa mabilis na paraan. Bagamat maulan ay ninais narin naming tumuloy dahil matagal nadin itong pinagplanuhan. Pasalamat narin at ng lumaon ay nasilayan narin si haring araw. Pasado alas-10 ng umaga narating ang lokasyon ng krus na Bato. Sinimulan ang pagtatabas at paghahanda sa gagamiting grass cutter mula sa Cultural Heritage Preservation Office. Matapos ang isinagawang paglilinis sa paligid ng krus na Bato ay nagtirik ng kandila at nag-alay ng isang maikling panalangin ang aming grupo sa pangunguna nina Ernest Aranilla, Shirven Ferreras, Ysa at JB Aril. Matapos ang panalangin ay naghanda na ang grupo upang lisanin ang lugar. 


Doon sa ilog dumacaa ang grupo ay ngsalu-salo sa isang masaganang tanghalian. Nagkaroon ng maikling bonding sa ilalim Ng tulay, sa ilog ng dumacaa, ang Ilan ay di napigilang lumusong at magbabad. Ang lugar na ito ay isa sa napakagandang lugar dito sa Tayabas, malinis na ilog dahil hindi pa gaanong napupuntahan dahil nga may kalayuan sa kabihasnan. 


Nagdesisyon ang grupo na umuwi na' ganap na Ika-2:00 ng hapon. Ang karamihan ay naglakad mula sa Katigan babagtasin ang Barangay Banilad, Opias-Tuakoy hanggang marating ang Poblacion. Kami naman ay dumaan muli sa ilasan dahil kami ang may dala ng mga gamit.


Bagamat mahirap ang daan dahil sa ginagawang konstruksyon ng EAST Road o Dang Pangarap Ng Reynoso Administration ay kaya naman kahit na SUV ay makakaya ng bagtasin hanggang sa dulo Ng Alupay. Sasabayan lang ng ibayong pag-iingat kung magtutungo dito dala ang inyong sasakyan.


------ ------- --------- ----------


Social Media Account:


Please Like and Share 

OST- Tayabas Facebook Page:

https://m.facebook.com/TayabasHeritageAdvocates/


Subscribe to our Youtube Channel:

https://m.youtube.com/channel/UChxoRpMa6y3ZXsmqsfGF3nw


Instagram Account:

https://www.instagram.com/invites/contact/?i=e3p4bos0frhg&utm_content=mh6vhah


Visit our Blogsite:

https://osttayabas.blogspot.com/


For partnerships, send inquiry

thru our Email Address: osttayabasheritage@gmail.com


#ILoveTayabasHeritage

#PreserveProtectPromote

#OSTTHG5thYearFoundingAnniversary





















Friday, September 3, 2021

Puente de Alitao Clean Up Drive

Noong ika-7 ng umaga, araw ng Lunes (Araw ng mga Bayani) ika-30 ng Agosto. 

Sa agapay ng LGU- Tayabas ECO-AIDES, Cultural Heritage Prevention Office, Tapat Kalikasan at ang muling pag-tugon ng tulong pisikal ng Tayabas Rescue Response Team Inc. Sa ambag na pwersa ng bawat indibidwal naisagawa ng matagumpay ang hangarin at layunin ng bawat isa. Mula sa pag-iingat hanggang sa pangangalaga at pag-papanatili ng linis ng tulay ay tunay nga namang nakakalungkot isipin na makita na nilalamon ng lago at sukal ng mga puno at talahib ang tulay na ito. Habang isinasagawa ang masinsinang pag-lilinis nito, maraming basura at kalat ang aming natagpuan. Kaya’t maging responsible po tayong mamamayan lalo’t higit sa mga naninirahan sa gilid ng tulay.

Siguraduhin po natin na ang ating mga basura mula sa ating mga tahanan ay hindi aabot at makakapinsala sa ating tulay upang maiwasan ang masidhing pag-baha na maaaring makaapekto sa nakakarami. Matapos ng masayang pag-tutulungan sa pag-lilinis nito naibalik muli at nasilayan ang kaayusan at ang tunay na kagandahan ng tulay na ito.

📝 ANGELA ESCOSIA



































DULA ni Necias Chaves Pataunia

 DULA ni Necias Chaves Pataunia

CALLE MAYOR. Ayun sila, ang mga kabataan ng bayan. Kuyog-kuyog sa harapan ng Misyang Bakery na nakalagak sa pangunahing daan o kung tawagin ay calle mayor. Sa tindahang pag-aari ni Misyang Dural Palad matatagpuan ang pinakamalaking hurno ng pandesal sa Tayabas. Masdan sila at pawang nag-uunahan sa pagsasalansan ng umuusok pang tinapay. Inilalagay nila ito sa kahon na nasasapinan ng kulay kapeng papel. Maya-maya’y hahangos sila sa dako ng mercado, sa duluhan ng Mateuna, doon sa daang pa-Lucena, sa kalye patungong Lucban at sa lugar ng Munting Bayan na papuntang Sariaya.

Doon sa silangan, sa Castillo ng Pagbilao ay marilag na namimitak ang araw. Kumakatok na ang umaga. Samantala, ang mga Tayabasin ay tila nahihimbing at masayang idinuduyan ng sariwang hangin. Sino nga ba ang babangon upang buksan ang pinto at hayaang tumuloy ang umaga? Ay, ang mga kabataan ng Tayabas, malayo pa’y sinasalubong na nila ang magandang dilag - - - ang umaga!

“Ayy ti-nna-poy sa Misyanggg!”

Sigaw ng isang bata. Biglang nabasag ang katahimikan. Biglang sumambulat ang bagong araw. Una ay isa, pagkuwan ay dalawa… tatlo hanggang tuluyang mapuno ang bayan ng nakatutuwang sigawan.

Ang mga tagalako ng pandesal, ng paputok o tinapoy kung tawagin ng Tayabasin, sila ang mga kabataan na naghahawi sa dilim. At ilang sandali pa’y liwanag.

Sa tanghaling tapat, doon din sa calle mayor, sa harap ng Cine Aurora na pag-aari ng pamilya Joseph, mga Hudeo na taga- Sariaya, ay may pagkainip nilang hinihintay ang pagbubukas ng sinehan. Bob Steele’s Whole Serial, mga kuwentong Cowboy ang palabas.

Matapos ang panunuod ay walang patlang ang istoryahan tungkol sa bidang si Bob Steele. Ang kuwentuhan ay hahantong sa Nakoy Restaurant o dili kaya’y sa pansitan ni Intsik Bona. Tawanan. Biruan. Tuksuhan habang lumalantak o humahabhab ng pansit. Ang iba’y kumakain ng arroz caldo o binanging saging. Samantala, doon sa Nipa Shack at maging sa Split Restaurant ay impit ang tawanan ng mga kadalagahan habang kumakain ng batikuling, malamig na halo-halo noong hindi pa nagkakadigma.

Maraming lalaki kapag nangingibig,

Lupa ay pangako sampu pa’y ng langit;

Tanging ikaw lamang ang laman ng dibdib

Bago pala’y sampu, dalagang iniibig.

ORASYON. Umaalingawngaw ang kampana ni San Miguel. Isang matipunong katawan at may nag-uumapaw na galak ang bumabagting sa lubid doon sa La Torre. Ang tunog ng kampana ay mistulang tinig ng mga walang malay --- nagsusumamong sila’y handugan ng dasal. Kumakaway papalayo ang maghapon. Namamaalam ang ngayon.

Sa calle mayor ay dahan-dahang silang lilisan. Ang mga naiwan ay makikitang itinataas ang switch ng mga ilaw sa poste gamit ang mahabang kawayan. Ayun sila, mga kabataan na nagsasara ng telon. Natapos na ang dula sa maghapon.

Sila nga yaong mga kabataan bago sumiklab ang digmaan noong 1941. Sila ang tuwirang saksi kung kailan, saan at papaano ito naganap.

Mga tagalako ng pandesal, tagabagting ng lubid ng kampana ni San Miguel. Sila rin yaong mahiligin sa sineng Cowboy. Lumalantak ng pansit-habhab at batikuling. Sila --- ang mga sumasalubong sa umaga.

Samantala kapag gabi , sa silong ng libu-libong bituin... doon sa patyo ng simbahan ...dito nila binibigkas ang mga tula, inaawit ang bukas:

 Magigi akong titser kagaya ni nanay.

 Magtatrabaho ako sa Maynila, sa PNR, gusto kong sumakay sa tren, mamasyal..mula sa Paco ay papunta sa Lucena...diretso sa Hondagua, Tagkawayan..sa Bicol.

 Ako...dito na lang ako sa Tayabas...walang katulong si itay sa tubigan. Ako ang alalay niya sa pag -aani, pagko-kopra.

 Isang malaking tindahan ang aking itatayo. Yung lahat ng gamit sa bahay ay makikita dun..repinado, mantikilya, asin, panutsa, gas na pansindi sa kalan, kalburo para maka pangilaw ng hito, banak at mga hipong ulang!

 Magaasawa ako...pakakasalan ko si Auring at magkakaroon kami ng madaming anak. Walo seguro. Yung panganay na lalake ay magiging sundalo, kapag babae eh komadrona. Isusunod ko sa mga santo ang kanilang mga pangalan ...gaya ng mga santo sa Tayabas... Miguel, Diego, Roque , Domingo...Francisco. Dolores...Angela kapag babae...Aurora...

Ayy kabataan.

.............................................................................................................

Sadyang pinabilis ng giyera ang orasan. Ang santaon ay naging sandali. Wari'y kumurap ang mga pangyayari. Mabilis. Pumutok. Sumambulat ang kaganapan -- karuwagan at kabayanihan, kabiguan at tagumpay. Umiral ang takot, lumukob ang pighati. Isinakdal ang kagimpan. Piniit ang kamusmusan. Buhay...kamatayan.

.............................................................................................................

 Sa silangan ay namimitak ang araw. Idinuduyan ng sariwang hangin ang buong kabayanan. Marami ay nahihimbing. Yung ilan ay pilit na gumigising na wari'y alimpungat. Mumukat-mukat ang pangarap.

 Samantala sa calle mayor, sa harapan ng tindahan ng pandesal, ng paputok o tinapoy kung tawagin ng mga Tayabasin..ngayo'y mga anino ang naggagayak doon... ng panibagong dula sa maghapon.

"Ayy ti-nna-poy sa Misyanggg."

TALA: Unang nalathala sa souvenir program ng SUSI NG TAYABAS (Sanayan at Ugnayan sa Sining sa Ikauunlad ng Tayabas) noong 1988 nang itanghal ang dulang Huling Hagbong na akda at direksyon ni Orlando R. Nadres. Muling sinulat ang sanaysay taong 2021, araw ng linggo ika-8 ng Agosto.


Saturday, August 28, 2021

Salitang Tayabasin

 Ngayong nagdiriwang tayo ng Buwan ng Wika mahalaga na balikan natin ang wikang ginagamit ng mga Tayabasin. Si Dr, E. Arsenio Manuel ng UP ang unang nagsaliksik ng Tayabas Tagalog na nalathala noong 1971. Sadyang natatangi ang mga salitang ginagamit sa Tayabas. Malaki ang ambag ng kapaligiran- bundok, gubat, ilog, sapa, at mga halaman sa pagsibol ng wika, aniya. Basahin ang kwento kung paaano ginagamit ng mga Tayabasin ang mga salita na dito lang naririnig.


Image from Cultural Heritage Preservation Office - Tayabas City